|
nagsisimula ang lahat s aisang tawag sa telepono. susunod ang mga maghapong lakad sa iba't ibang mga ahensiya ng gobyerno. ilang linggo lang at magsisimula nang hakutin ang mga bagong-laba't plantasang damit. pag-aayos ng mga bagay na nakligtaan, mga dokumentong di dapat maiwan, mga pagbibilin, mga sandali ng katahimikan, at ang huling pagsasama-sama sa hapagkainan. minsan emosyonal, kadalasan ay hindi. mauuwi ang lahat sa isang sasakyang magdadala sa hantungan ng lahat ng ito, at dadalhin ako sa isang lugar na hindi ko ninanais puntahan.
kahapon, tumapak ako sa isa sa mga kinamumuhian kong lugar -- ang departure area ng NAIA. lahat na yata ng mga di magagandang alaala na hanggang ngayo'y nagmumulto pa rin sa akin, nangyari doon. kung may kahihiyan man akong magbuhos ng luha sa mga pampublikong lugar, dito hindi. kung nagagawa kong magpigil ng sarili na tumakbo at yakapin ang taong papunta na sa likod ng madidilim na salamin, dito hindi. at ang kabalintunaan ng mga kabalintunaan, inaayawan (at iniiwasan) ko ang lugar na iyon...ngunit sa kabilang banda, hindi ko rin ginugustong umalis. may pumipigil, may humihila sa akin.
taon taon, nagaganap ang isang bagay na alam kong kailangan mangyari sa kabila ng pagtutol ng aking puso't isipan. isang bagay na magdadala ng kabutihan para sa nakararami. kahapon, lumisan na naman ang aking ama.
kung minsan hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa ako nasasanay sa ganitong tagpo. mula nang isilang ako' magkaisip, ganito na ang lagay namin. nagsisimulang maging temporaryo ang galaw ng buhay sa bahay tuwing darating siya. nabibilang na ang mga sandaling ilalagi niya sa amin sa oras na dumaong nag barko o eroplano sa teritoryo ng pilipinas. dapat, sanay na ko. dapat, nagagawa ko nang magkaroon ng isang blangkong mukha sa mga oras na ganito. ngunit hindi. pagkat sa tuwing maaalimpungtan ko ang tawag sa telepono ng opisina, at nagsisimula nang mag-ayos ng mga papeles, alam ko, nagsimula na ang mitsa. mawawala na naman siya.
gusto ko na lamang isipin na isang araw, hindi na niya kakailanganing umalis. at sana, malapit na ang araw na iyon.
|