|
nakinikinita ko na ang ganitong tagpo.
habang ipinipilit panatilihin ng ngiti sa aking mga labi,
pinipigilang lunukin ang umaakyat na mga hikbi,
mananatili kang nakamasid lamang sa akin,
naghihintay.
pipiliin kong talikuran ka,
sa kabila ng pagtutol ng isip at kaluluwa
at ang di-mahintong pagbuhos ng mga hinanakit sa aking mga mata.
tatanawin ang dapit hapon,
at maglalakad palayo habang kumakawala
at nagwawala ang lahat ng ala-alang iniwan mo.
hindi na ako lilingon pabalik.
at ikaw,
mananatiling nakamasid sa akin,
iisiping mabuti kung kayang alalahanin
ang mga panahong pinagsaluhan natin,
na nagsisimula nang mabura
sa iyong mga pahina.
marahil,
sa isang banda ay mangingislap ang iyong mga mata.
at muling makikilala ang damdamin ng pagsinta.
kakaway ka sa papalayo kong likuran,
tatawagin ang aking pangalan,
ngunit 'di ko na ito magagawang
marinig,
o makita.
|