|
*SOULMATE, naaalala mo to? haha, ngayon "ip-publish" ko na. :)*
**para kay "ano", sana isang araw mabasa mo ito**
siguro, para sa'yo, wala lang yon
dahil ano nga naman ba ang ispesyal
sa pag ngiti mo sa akin araw-araw,
sa pagbati ng "good morning!",
na kahit gustong gusto ko na sanang tumalon sa tuwa,
syempre dapat pangiti-ngiti lang
para hindi halata.
siguro, para sa'yo, wala lang yon
dahil ganoon naman talaga ang magkaibigan,
nagyayakapan, naglalambing.
gustuhin ko mang pag-ibig ang maramdaman mo
sa mga yakap ko,
pwede ba yun?
para sa'yo, kaibigan lang ako.
siguro, para sa'yo, wala lang yon
dahil ano nga ba ang kakaiba
sa paghahatid mo sa akin sa bahay,
at sigurado, para sa iyo, normal lang din
ang abot-tenga kong pag ngiti
habang minamasid ka
sa umaabante mong sasakyan habang
kumakaway sa akin.
siguro, para sa'yo, wala lang yon
na nabura ang aking ngiti ng biglang-bigla,
dahil ano ba ang karapatan kong magselos
tuwing makikita kitang kasama mo siya?
dahil mananatili lamang akong taga labas; tagapagmasid
sa inyong mundo.
siguro para sa'yo wala lang yon
dahil wala ka namang kailangang ipaliwanag,
dahil malinaw na malinaw naman
na kahit kailan, di mo ako magagawang mahalin.
at wala din akong balak aminin,
pagkat ang umasa sa wala - ay masakit
at ang umasa sa iyo --
luha't lungkot lamang ang hatid.
ngunit ano nga naman ba ang halaga,
ng ilang gabing paghikbi,
malalim na buntong-hininga at mga matang namamaga?
hindi mo naman mapapansin, di mo rin didibdibin...
dahil siguro,
para sa'yo,
wala lang yon.
|