|
ngayon ang ika-4 na araw ng ALTP. na-assign kami sa mga kainan sa palengke. bahala na ang mga may-ari kunga nong ipapagawa sa amin, pwedeng tagahugas, taga tawag ng customer, taga abot ng mga order, o kaya taga kuha ng mga pinagkainan para dalhin sa hugasan. bago pa man ako pumayag na sumailalim sa karanasang ito, inasahan ko na ang mga tagpong hindi ako makakasagot sa mga hirit ng tao dahil nga Atenista ako. isa ito sa mga tagpong iyon.
Bilin sa sarili: pasok sa isang tenga, labas sa kabila.
"kakayanin mo ba?" [opo, kaya ko po]
"hindi ka naman marunong diyan" [marunong po, ginagawa ko din po yan sa bahay]
[ano pong pwede kong gawin?] "ikaw, ano bang gusto mo? maupo na lang kaya?
"bakit kasama ito sa subject nyo? para maikumpara nyo ang mga pinakamababa hanggang sa mga pinakamataas na tao?" [hindi po, para sa philosophy class po]
[nakakahiya naman po, maghugas na lang po kaya ako ng pinggan?] "OK na yan, obserbahan mo na lang ang paligid, para makita mo at malaman mo ang pagkakaiba ng mayayaman at mahihirap."
maraming hirit. kadalasan pabiro, pero lahat masakit. sa mga sandaling iyon kanina gusto kong ikaila sa kanila kung saan ako nag-aaral. gusto kong itago ang isang titulong dala-dala ko dahil pinili kong mag-aral sa pamantasang ito. isang titulo na sa sandaling iyon ay nagbigay sa akin ng pagkahiya at panliliit.
bagama't alam ko sa aking sarili na hindi lubusang totoo iyon, hindi ko mapigilang tamaan dahil gustuhin ko man o hindi, ang mga taong tinutukoy nila ay nakasasalamuha ko sa eskwelahan araw-araw. na subukin ko mang hindi makita, totoo sila. buhay sila. may pangala't apelyido sila, may mukha sila, at higit sa lahat, pareho kaming binabansagang Atenista.
ikaw, na nagbabasa nito ngayon, palagay mo ba lahat kami konyo?
nasabi ko sa isang kaibigan noon na papasok ako sa ateneo para patunayan na hindi lahat ng atenista ay nagiging elitista. hanggang ngayon, gusto ko pa rin patunayan yon.
hindi lahat ng atenista ay mga elitista.
at hindi lahat ng elitista ay mga atenista.
|