|
naniniwala akong nag-iiba ang tao pag natututong umibig. madalas, sa paningin ng iba katangahan ang ginagawa nila, o pagma-martyr, o kung ano pa mang tawag doon. nakakagago. nakakahiya. para sa mga mas matapang, iindahin ang pang aalaska. sa ilan, pipiliing hindi na malaman ng iba ang mga binabalak nilang gawin para umiwas sa panunukso. ngunit kahit na ano pa man ang piliing ikilos ng taong ito, alam niyang iisa lang ang isinisigaw ng kanyang puso: walang hindi kayang gawin, walang hindi kayang tiisin para sa taong nagpapatibok nito.
ano nga ba ang magmahal? o ano ba ang pagmamahal? sapat na bang natutugunan mo ang mga pangangailangan niya? o nagiging bahagi siya ng araw-araw mong buhay; na nagagawa mo siyang bigyan ng oras sa kabila ng pagiging abala? ito na ba ang pagiging espesyal niya sa iyo? ang pagkakaroon mo ng pakialam sa lahat ng may kinalaman sa kanya? ang kagustuhang makibahagi sa kung ano mang nararamdaman niya?
masasabi mo bang mahal mo na siya kung sa kaibuturan ng iyong puso ay nagtatanong ka kung mahal mo na nga ba siya? kung sa kalaliman ng gabi ay hindi mo namamalayang naiisip mo kayo? makikita ba iyon sa paraan ng pagsilay? o sa ubod ng ingat na pangangalaga sa alinmang bagay na nagkataong napunta sa iyong mga kamay? mararamdaman ba iyon sa mga simpleng kilos na hindi mo dating ginagawa ngunit natutunang gawin?
pero paano na lang kung ikaw lang ang nakakaalam ng pagmamahal mo? kung, sa kabila ng lahat, nakukuntento ka na sa kung anumang ipagkaloob ng langit na mamagitan sa inyo. natuto ka nang hindi humiling, o manghingi, o magdasal ng mga "sana". nagiging mga alaala sa iyo ang konting lambing, konting atensiyon, konting pagpapahalaga. ang mga minutong tila kayo lamang ang nabubuhay sa mundo. mga makahulugang tingin at mga birong punung-puno ng katotohanan. alam mo at natanggap mo nang walang patutunguhan ang kagustuhan mong maging iyo siya.
pagmamahal pa rin bang matatawag ang pagkakaroon ng pansariling motibo? ang piliing hindi magkaroon ng kahit na anong emosyon kapag nakikita mong magkasama sila ng mahal niya? kapag inilalayo mo na ang iyong paningin para hindi ka na makaramdam? ang pagkakalas ng sarili sa kasalukuyan para iwasang masaktan? o ang itanggi sa iyong sarili na may nararamdaman kang nangungurot na kirot kahit hindi mo na sila nakikita?
hindi ako umaasa, pero sana magkaroon ng sagot. sabi nga nila, binibigay din naman ng langit ang mga gusto mo; hindi nga lang sa lahat ng oras na hingin mo ito.
masasabi kong masarap umibig, at lalong masarap magmahal. masarap magbigay ng parte ng pagiging ikaw, at makakilala ng isang tao sa paraang ikaw lang ang nakakakita. sa taong umiibig, walang korni. walang baduy. walang kontrabida, walang mga hadlang. at higit sa lahat, walang kabiguan.
masyado na yata akong nanonood ng mga telenobela. o maaari ding hindi.
|