|
jologs na kung jologs. pero kahit na ano pa ang ginagawa ko, pinaghihintay ko talaga pag primetime na. bakit? kasi, bukod na sa oras na para sa news (huuu, news daw!), pinoy big brother na. at syempre, oras na din para sa umiinit nang mga tagpo ng Sa Piling Mo.
oo, yun yung telenobela ni judy ann at piolo. hehe. wala lang. natuwa lang ako sa isang parte ng dialogue kanina kung saan confrontation scene ang drama. obvious naman kasi na may "thing" ang dalawang ito, dahilan para magselos ang kani-kanilang mga so-called significant other.
katherine (aka jennifer, aka judy ann): "ikaw naman kasi adrian, akala mo lahat ng bagay madali..." adrian (aka piolo): "...mali ka kung inaakala mong madali ang lahat sa akin, katherine. dahil mahirap para sa akin na amining may dahilan si nicole para magselos. mahirap sa akin na sabihing naiisip kita parati...nung iniwasan mo ako, na-miss kita...ikakasal na ako pero may nararamdaman ako sayo..."
whooohooooo!!! hahaha! :) naisip ko kanina (kasabay ng pagsigaw sa TV ng "ano ka ba!!! umamin ka naaaaa!!!) na sa dinami-dami na ng pinalabas na telenobela, mapa mexican, korean, chinese, indian, antartican, o pinoy, sa iisang bagay lang talaga umiikot ang lahat -- sa katotohanan.
pano nga naman kasi, ito na yata ang isa sa mga pinaka mahirap sabihin at marinig. buti kasi sana kung magagandang bagay lang ang lahat ng dala ng pagsasabi ng totoo. paano na kung may mga ibang taong alam nating masasaktan o maaapektuhan? kung maaaring ikasira ito ng kung anumang relasyon, o pagbabago ng isang bagay na kinapanatagan na, diba? paano na lang kung malaman mong niloko ka ni X, at niloloko ka na niya mula umpisa? o kung may relasyon pala si Y (na kaibigan mo pa!) sa kasintahan mo? o kung mabatid mo na tinatraydor ka ni Z? o kung malagay ka sa alanganin dahil sa pakana ni W? nakaka windang yun. trust me.
nakakatuwa (at sige na nga, nakakakilig na din) makita ang mga tagpong ganito sa kwentong pelikula, TV, o libro. alam natin na sa huli, maayos ang lahat sa pagsasabi ng totoo. magkakatuluyan ang dapat magkatuluyan, mahuhuli ang dapat mahuli, mapaparusahan ang tunay na maysala. kunsabagay, kung walang mga lihim o mga sinungaling, edi wala na ding excitement ang CSI, Desperate Housewives, Marimar, Lovers in Paris, maging ang Voltes V o Bioman (haha napapaghalata ang age!) at kung ano ano pa.
pero iba nga naman sa totoong buhay. walang naman kasing may alam ng magiging ending. kung minsan nga, hindi na din natin alam kung sinong nagsasabi ng totoo. at ang masaklap dito, may mga katotohanang hindi na nasasabi pa, o nawawalan na ng saysay dahil na din sa dinamismo ng mundo at mabilis na pag-ikot ng mga bagay. tulad na lang na kwento ng isang taong pinagkatago-tago ang pag-ibig niya, na kung kailan handa na siya umamin, may iba nang napupusuan ang mahal niya. ayun, sa heartbreak hotel ang bagsak niya. bakit nangyayari yun? ewan ko. it's a mystery. tignan mo: may mga nagiging sila kasi may umamin (o nagkaaminan), may naghihiwalay dahil din dito. may nagkakagalit dahil sa pagtatago nito. may nagkakabati, nagkakabalikan, napapalaya, napapa-buntong hininga, inaatake sa puso, hinihimatay, namamatay, napapatay...at mayroon din namang nagkakaroon ng bagong buhay.
kung tutuusin, ang sarap ng kalayaang dala ng totoo. yun bang alam mo sa sarili mo na tumaya ka...at sa kung anumang sapitin nun, may pakiramdam ng liberasyong nasabi mo yung dapat mong sabihin. na maaari mang magbago ang maraming bagay, alam mong naging totoo ka sa iyong sarili. dun pa lang, panalo ka na. at maraming taong natutuwa sa totoo. yun lang ang hinihingi kung minsan. at yun din ang isang bagay na madalas ay utang natin sa iba.
at hindi lang ito sa isyu ng pag-ibig ah. sa pamilya, pagkakaibigan, o kahit sa simpleng samahan sa trabaho. iba pa rin yung totoo. at iba pa rin yung alam mong malinaw sa lahat ang bagay na ito, gayun na din sa iyo.
sa huli kasi, maiiwan na lang tayo sa sarili nating paghuhusga. sabi nga, mas pinagsisisihan ang mga bagay na hindi natin ginawa. at sa totoo lang, kung titignang mabuti, sa kinahaba-haba man ng panahong akala natin ay nakakabuti sa atin (at sa lahat) ang ilihim ang mga bagay na di dapat, makikita natin na wala tayong ibang niloko kundi ang mga sarili natin.
|