|
hindi ko maipaliwanag ang tuwa na bumabalot sa aking puso na makita ka muling ngumiti. matagal nang panahon noong huli kong nakitang nangislap ang iyong mga mata mna dala ng kasiyahang nagagawa mo nang maabot ang mga bagay na dati'y pinapangarap lamang natin.
isipin mo kung paanong nagsimula ang lahat: sa isang maliit at madilim na sulok na tinawag nating tirahan -- na naging saksi sa mga bagay kung saan sinimulan nating buuin ang ating kinabukasan. bagama't magkaiba ang daang pinili nating lakaran, naroon ang isang ugnayang pinagtibay ng samu't saring pangyayari --- mga oras ng gutom na sinasagot ni Jollibee; mga pagsusulit na pinagpapalit sa tulog; mga ipis na pinapatay; at maging ng mga asong naging parte na ng araw araw na buhay.
ang makita ka sa kinalalagyan mo ngayon, Miss Miranda, ay bumubuhay sa pag-asang hindi nakalaan sa makamundong bagay ang kaligayahan. pinatutunayan mo na madaling sakupin ang takot at pangambang dala ng kawalang-kasiguraduhan. nakikita ko sa'yo ngayon ang determinsasyong huli kong naaninag noong NCOC ka pa -- ang paglalayong patunayan ang sarili at ibangon ang mga bagay na iyong pinaninindigan sa kabila ng mga pwersang humahadlang dito.
hangad ko isang araw na makilala ang mga batang pumupukaw ng iyong imahinasyon. nais kong makitang mabuo sa kanila ang mga ideyang sabay nating natutunan sa paaralan, at sa buhay. hindi na ako magtataka kung isang araw, makita ko ang parehong kislap sa kanilang mga mata habang nakikita nila ang mga sarili nilang nagtatagumpay sa mga nais nilang gawin.
para sa kanila, ikaw si Miss Miranda. para sa akin, ikaw ang natatanging si Vins. isang guro. isang kaibigan. ;-)
|